Angeline Quinto, buntis na ayun kay Ogie Diaz!
Sa Youtube Channel ni Ogie Diaz, kinumpirma niya ang pagdadalang tao ngayon ni Angeline Quinto.
Ayon umano sa common friend nila ng singer, limang buwan nang nagdadalang-tao si Angeline sa kanyang non-showbiz boyfriend.
Matapos lumabas ang balitang buntis umano si Angeline Quinto, kinumpima ng showbiz reporter na si Ogie Diaz ang tungkol dito. Gayunpaman, nilinaw niyang limang buwan na ang pinagbubuntis ni Angge.
Taliwas ito sa unang lumabas na mga bali-balitang tatlong buwan umanong buntis ang mang-aawit.
Mayroon umano silang common friend ni Angge at ayon sa kanyang source ay lalaki umano ang gender ng baby ni Angge sa kanyang non-showbiz boyfriend.
Matatandaang nauna nang inamin ni Angeline ang tungkol sa non-showbiz boyfriend niya na aniya ay nagpapasaya sa kanya.
“Meron po talaga at isa yan sa nagpapasaya sa akin. Walang kasing saya, napakasaya po talaga,” pag-amin niya habang nasa media conference para sa kanyang 10Q concert na ginanap noong October 2021.
Inamin niya rin ito sa kanyang guesting sa vlog ni Karen Davila kamakailan kung saan pinuntahan siya nito sa mismong bahay niya. Gayunpaman, hindi na niya isinapubliko ang pagkakakakilanlan ng lalaking nagpapasaya sa kanya.
Samantala, kasalukuyang nasa Dubai ang mang-aawit para mag-perform sa Expo 2020. Excited umano siya na makapag-perform sa harap ng live audience dahil halos dalawang taon din niyang hindi ito naranasan dahil sa pandemya.
Si Angeline Quinto ay isa sa pinaka-sikat na mang-aawit sa Pilipinas. Una siyang sumikat sa mundo ng entertainment at music scene nang sumali siya sa Star Power: Sharon's Search For The Next Female Pop Superstar.